Saturday, April 18, 2020
Mass testing gamit ang RT-PCR, full coverage ng Philhealth sa kaso ng Covid-19
Mamamatay ang ekonomiya kapag hindi nakabalik sa trabaho ang mga manggagawa. Pero kapag mahawa ng Covid-19 ang maraming manggagawa, mahahawa ang buong bansa.
Kung nais ng pamahalaan na unti-unti nang luwagan ang ECQ, bumalik sa trabaho na ligtas ang mga manggagawa, muling umandar ang ekonomiya at manatiling ligtas ang buong bansa sa Covid-19, ang kailangan ay mabisang paraan ng mass testing, hindi ang mabilisan ngunit walang katiyakan na rapid antibody test.
At para mabigyan ng dagdag na kumpyansa ang mga manggagawa na bumalik sa trabaho sa kabila ng panganib, kailangan silang bigyan ng kasiguruhan na sakaling maging biktima ng Covid-19 ay sasagutin ng Philhealth ang full coverage ng kanilang pagpapagamot at pagpapagaling. Ibig sabihin, dapat baguhin ng Philhealth ang patakaran nang bumalik ito sa case rate sa kaso ng Covid-19.
Mahigpit naming sinusubaybayan hindi lamang ang mga ayudang ipinangako para sa kabuhayan ng manggagawa kundi maging ang mga hakbang medikal sa bansa at sa buong mundo upang epektibong malabanan ang virus.
Kung kayat kami ay nabahala sa naging pahayag ng Pangulo kamakailan, kasama ang kinatawan ng mga negosyante na si Joey Concepcion, na magpapatupad ng malawakang rapid antibody test sa lebel ng mga pagawaan bilang kondisyon sa pagbabalik sa trabaho ng mga manggagawa.
Mahigit apatnapung milyon (40M) na manggagawa ang babalik sa paghahanapbuhay sa ibat-ibang paraan sakaling alisin na ang lockdown. Sa kanilang ligtas na pagbabalik-trabaho nakasalalay hindi lamang ang ating ekonomiya kundi ang kaligtasan ng ating bansa.
Ito ang dahilan kung bakit tinutulan namin ang paggamit sa rapid antibody test dahil mismong ang World Health Organization (WHO), mga scientist at medical experts ay hindi rekomendado ang paraan na ito kumpara sa Real Time-Polymerase Chain Reaction Test (RT-PCR) na subok na sa buong mundo. Ang ating DOH mismo ay naglabas ng guidelines laban dito, kasama ang infographic na nagpapaliwanag sa kaibahan ng dalawa. At kahit ang Food and Drug Administration na nagpahintulot sa paggamit ng limang brand ng rapid test na ito ay nagsabi na kailangan pa rin ang PCR-based confirmatory test matapos nito.
Samakatwid, ang mataas na rate ng false negatives na inaasahan ng mga eksperto mula sa rapid antibody test ay hindi lamang magsasayang ng oras at rekurso sa paraan na ito kundi magbibigay pa ito ng maling kumpyansa at magbabaliwala sa kaligtasan ng manggagawa pagkatapos ng lockdown.
Bilang alternatibo, ang dapat mas bilisan at palawakin ng pamahalaan ay ang mass testing gamit ang RT-PCR. At magiging realidad lamang ito kung sa lebel ng mga LGU ito palalawakin katulad ng inisyatiba ng lungsod ng Marikina. Ang ganitong hakbang ang dapat suportahan ng pondo ng national government at ng mayayamang may-ari ng mga industriya at negosyo, hindi ang ekspiremento ng rapid antibody test na malamang ay maghatid pa sa atin sa kapahamakan.
Habang papalapit ang Araw ng Paggawa, patuloy na nagpapahayag ng paninindigan at mga kahilingan ang Partido Manggagawa (PM) sa pamahalaan para sa kapakanan ng uring manggagawa, kasama ang iba pang mga samahan ng paggawa sa buong bansa.
Sa partikular, itinutulak ng PM ang tatlong kahilingan. Ang mga ito ay: (1) Ayudang Sapat Para sa Lahat; (2) Extensyon ng ayuda lagpas sa panahon ng lockdown at ligtas na pagbabalik s trabaho ng mga manggagawa; at, (3) Mas makataong tugon sa krisis, hindi militarisasyon.
18 March 2020
Labels:
ayudang sapat para sa lahat,
CoVID-19,
DOLE,
LGU,
lockdown,
Marikina,
mass testing,
Partido Manggagawa,
quarantine,
Rene Magtubo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment