Friday, December 8, 2017

Welga ng kababaihang manggagawa inatake, 2 sugatan


Tatlong beses na inatake kagabi at ngayong madaling araw ng mga gwardiya at naka-ski mask na kalalakihan ang welga ng mga kababaihang manggagawa sa Cavite ecozone. Sugatan sina Maricar Orque at Magdalena Peña, parehong manggagawa ng Lakepower Converter Inc., isang Taiwanese-owned electronics company sa loob ng Cavite Economic Zone sa bayan ng Rosario.

“Pinagtulungan ng mga gwardiya ng kompanya, Jantro Security Agency at kalalakihang nakatakip ang mukha pero nakasuot ng uniporme ng pulis na hablutin ang mga placards at trapal sa aming picketline. Una silang sumugod noong 7:00 ng gabi, umulit uli ng 11:30 ng gabi at muli nitong 1:00 ng madaling araw. Nakasakay sila mga motor, may dalang mga baril at umatras lang nang kinuhanan ng litrato ng mga manggagawa. Ang isa sa motor na ginamit ay may plakang DA 21752,” paliwanag ni Mercy Tanginan, presidente ng Samahan ng Manggagawa sa Lakepower Converter Inc.

Nagsimula kahapon ng 3:00 ng hapon ang welga ng mga manggagawa matapos na walang kasunduang maabot sa miting na ipinatawag ng Labor Department. Hiling ng mga manggagawa na itigil ang tanggalan at suspensyon ng mga officers at members ng unyon. Subalit ayaw pumayag ng management.

Dagdag ni Tanginan, “Pumunta din sa picketline ang firetruck ng PEZA at Jantro guards na inuupahan ng PEZA (Philippine Economic Zone Authority). Nagbarikada din ang Jantro sa paligid ng pabrika at tinaboy ang mga manggagawang pupunta sa picketline.”

“Paglabag sa DOLE-PEZA-PNP guidelines ang mga ito. Pananagutan ng PEZA at ni Atty. Norma Tuñag, administrator ng Cavite ecozone, ang marahas na pag-atake sa mapayapang welga ng mga kababaihang manggagawa. Bukod sa tauhan ng PEZA ang Jantro guards, sila ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa loob ng ecozone,” giit ni Rene Magtubo, tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM), na sumusuporta sa mga kababaihang manggagawa.

Ilang buwang nang kumukulo ang diskuntento ng mga kababaihang manggagawa sa Lakepower bunga ng mga pang-aabuso. Nirereklamo nila ang pagtanggal sa pintuan ng banyo upang tiktikan ang mga manggagawa. Gayundin ang mahigpit na patakaran sa pag-ihi na naging sanhi ng maraming kaso ng urinary tract infection. Halos lahat ng manggagawa sa Lakepower ay kababaihan.


Ayon kay Magtubo, “Nagbubuo ng unyon ang mga manggagawa upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa paggawa. Subalit tinatapatan sila ng walang habas na union busting ng mga kompanya na ayaw partihan ang mga manggagawa ng bunga ng kanilang pagpapawis.”

December 8, 2017

No comments: