Daan-daang motorcycle riders mula sa Bulacan, at ibat-ibang asosasyon sa Metro Manila ang nagmotorcade patungong Senado ngayong umaga para iprotesta ang pagkakapasa ng Senate Bill No. 1397 o ang Motorcycle Crime Prevention Act na inakda ni Senator Richard Gordon. Ito raw ay para masawata ang laganap na ‘riding in tandem’ crime.
Tinawag nila ang kilos-protesta na “Tindig Rider Laban sa Double Big License Plate”. Magsasagawa umano sila ng susunod pang mga aksyon sa darating na mga araw.
Nakakabit sa motorsiklo ng mga nagpoportestang mga rider ang mga plakard na hugis oversized plates ang kanilang mga saloobin kaugnay ng panukala.
Kalakhan umano ng mga rider ay mga manggagawa na gamit ang motorsiklo hindi sa krimen kundi sa lehitimong paghahanapbuhay sa pormal at impormal na sektor. Gamit din aniya ito ng kanilang mga pamilya para sa mabilis at ekonomikong moda ng transportasyon.
Ang panukala, kapag naging ganap na batas, ay nag-uutos sa LTO at sa mga may-ari ng motorsiklo at scooter na palitan ang kasalukuyang plaka ng over-sized license plate na mababasa sa distansyang 12 at 15 metro.
Ayon kay Robert Perillo, Pangulo ng Bulacan Motorcyle Rider Confederation (BMRF), may halong diskriminasyon ang panukala ni Gordon dahil lahat ng rider ay pinagdududahang kriminal o kaya ay maaring maging kriminal sa simpleng dahilan na motorsiklo ang gamit nilang sasakyan.
Paglilinaw pa ni Perillo, ang mga riders ay laban din sa mga kriminal na salot sa lansangan at sa buhay ng mamamayan, pero hindi aniya tama na ang criminal activities ng iilan ay maging pabigat sa mas nakararami. Mas makabubuti aniya na katulungin ng pulisya at LGUs ang organisadong hanay ng mga riders laban sa krimen kaysa gawin silang palagiang suspek sa bawat krimeng nagaganap sa kani-kanilang mga lugar.
Naniniwala ang grupo na hindi solusyon ang malalaking plaka sa pagsugpo sa street killings dahil ang kriminal umano ay madaling mag-adap sa bagong sitwasyon lalo na kung alam nila na madali nila itong malulusutan.
Magiging pabigat din umano ang gastusin sa mga bagong plaka na ito dahil ang malaking plaka ay mas mahal, bukod pa sa mahal na mga penalties sa violations sa ilalim ng panukala na lahat ay kakarguhin ng mga rider.
Humihilling din ang grupo ng mga riders ng pakikipag-usap sa mga kinauukulan upang maipaliwanag nila ang kanilang panig kaugnay ng panukala.
Naipasa umano sa third at final reading ang panukalang ito sa senado na wala silang kamuwang-muwang, hindi nakonsulta, at hindi man lang nahingan ng kanilang pananaw.
Motorcycle Rights Organization
2 August 2017
No comments:
Post a Comment