Wednesday, April 10, 2013

OFW na si Alona Bagayan, ihahatid na sa huling hantungan


PRESS RELEASE
10 April 2013 

Alas dos mamayang hapon ay nakatakda nang ihatid sa huling hantungan ang bangkay ng OFW na si Alona Bagayan na napabalitang nagpakamatay sa Dubai dalawang buwan lamang ang nakakaraan.

Ayon sa kapatid na si Maricel Bagayan, nakatakdang ilibing si Alona sa sementeryo ng San Antonio, sa bayan ng Kalayaan, lalawigan ng Laguna, matapos magsagawa ng misa at funeral march para sa hustisya ang kanilang mga kamag-anak, kababayan at mga tagasuporta.

Limang araw lamang ibinurol ang bangkay ni Alona dahil nais ng pamilya na mabigyan agad sya ng kapayapaan matapos ang malagim na sinapit sa Dubai.

 Ayon kay Maricel, si Alona ay hindi nagpakamatay kundi’y pinatay ng isang kriminal sa Dubai.  Wala umano silang ibang suspek kundi ang employer nito na si KHALIFA KHADIM SUROOR ALMEASAM AL FALASI, na ngayon lang nakilala ng pamilya dahil matagal na itinago sa kanila ng recruitment agency at maging ng ating embahada sa Dubai.

Napag-alaman din na ang employer ni Alona ay anak ng dating mataas na opisyal ng pulisya at bahagi ng maimpluwensyang pamilya sa Dubai.  Kaya lalong nagduda ang pamilya na may cover-up sa pagkamatay ni Alona, na ayon sa autopsy report ng Dubai Police ay nag-suicide sa pamamagitan ng paglaslas sa kamay, pagsaksak ng 2 beses sa tiyan, paghiwa sa leeg, at pagtalon sa gusali.

Nananawagan ang pamilyang Bagayan sa pamahalaang Aquino na tulungan sila sa paghahanap ng hustisya para kay Alona.

Ayon naman kay Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido ng Mangaggawa at nakaalalay sa pamilya sa kasong ito, ang pagbibigay ng hustisya kay Alona ay responsibilidad hindi ninuman kundi’y ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Fortaleza na ang pagpatay kay Alona ay mauulit ng ilang beses sa iba pang OFW kung makikita ng mga Arabo na balewala ang buhay ng OFW sa mata mismo ng sariling gubyerno.

Hinamon din ni Fortaleza ang administrasyong Aquino na unahin ang pagbibigay-hustisya sa mga gaya ni Alona, kaysa mang-enganyo pa ng mang-eganyo ng mga OFW palabas ng bansa pero hindi naman protektado at hinahayaan na lang silang humarap sa mga peligro na walang suporta ng gubyerno.

No comments: