Press Release
July 22, 2012
Libu-libong manggagawa ang lalahok sa kontra-SONA na ilulunsad ng mga grupo bukas upang hilingin ang “isang alternatibong ekonomiya” at “bagong landas ng pag-unlad.” “Ang patuloy na kahirapan ng milyun-milyong Pilipino ay di matutugunan lang ng tuwid na landas ng kontra-katiwalian. Ang kailangan ay bagong landas ng pag-unlad palayo sa pribatisasyon, kontraktwalisasyon at globalisasyon,” ani Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido ng Manggagawa (PM).
Umulan man o umaraw ay nakahanda ang 1,000 kasapi ng PM upang sumanib sa “Martsa para sa Alternatibong Ekonomiya” na lalahukan ng labor coalition na Nagkaisa at multisectoral alliances na Freedom from Debt Coalition at Kampanya para sa Makataong Pamumuhay. Nasa 7,000 ang kabuuang bilang ng raliyista ang magmamartsa para sa “alternatibong ekonomiya” mula ala una
sa Luzon Ave.
corner Commonwealth Ave. tungong Batasang Pambansa.
“Inaasahan na magpapasikat si Pangulong Aquino sa SONA tungkol sa inclusive growth sa ilalim ng kanyang administrasyon. Pero para sa manggagawa at maralita, ang tanging kahulugan ng GNP growth ay dumadaming ‘Gutom Na Pilipino,’” dagdag ni Magtubo.
Paliwanag naman ni Gerry Rivera, pangulo ng PALEA, “Nakakakuha man ang pamamahala ni PNoy ng kumpyansa mula sa investors, umaani naman ng batikos mula manggagawa ang kanyang pagsang-ayon sa kontraktwalisasyon sa Philippine Airlines.”
“Regular na trabaho at sweldong nakabubuhay ang kailangan hindi CCT na pantawid-gutom lang. Mula 2003 hanggang 2009, umunlad ang ekonomiya ng humigit-kumulang 4.8% pero ang bilang ng naghihikahos na Pilipino ay lumaki pa rin mula 19.8 milyon hanggang 23.1 milyon. Hindi ito magbabago kahit pa ilang kaso ang madagdag kay Gloria Arroyo at ilan pang tauhan niya ang makulong kasama ni Abalos,” diin ni Rivera.
No comments:
Post a Comment